Isang napakahirap na sitwasyon ang kinahaharap ngayon kasunod ng nabigong pag-uusap sa pagitan ng Estados Unidos at Iran na ginanap sa Islamabad, Pakistan.
Ayon kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos, , nananatiling matigas ang paninindigan ng magkabilang panig, kung saan kapwa iginiit ng mga ito ang kani-kanilang mga kondisyon.
Hindi umano handa ang Iran na talikuran ang ambisyon nito sa pagpapaunlad ng nuclear weapons, habang matibay rin ang naging posisyon ng panig ng Estados Unidos sa ilalim ni US president Donald Trump.
Ipinunto ni Pascual na ang nakababahalang epekto nito ay mararamdaman ng mga consumers sa buong mundo, dahil inaasahang lalo pang titindi ang krisis, partikular sa suplay at presyo ng langis.
Dagdag pa niya, kasalukuyang daan-daang barko ang naghihintay ng ligtas na pagdaan sa Strait of Hormuz, isang kritikal na ruta para sa pandaigdigang kalakalan ng langis at iba pang produkto.
Sa pinakahuling datos, tinatayang apat na barko lamang ang nakatawid sa nasabing kipot sa loob ng nakaraang 24 oras malayong-malayo sa karaniwang bilang na 138 barko kada araw bago pa sumiklab ang tensyon.
Matatandaang nagbabala si dating US President Donald Trump na handa ang United States Navy na magpatupad ng “blockade” sa Strait of Hormuz matapos mabigo ang nasabing usapang diplomatiko sa pagitan ng US at Iran.










