DAGUPAN CITY—Isinusulong ng Liberty de Luna, pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organization, ang pagpapatuloy at pagpapalawak ng service contracting program bilang agarang tugon sa patuloy na krisis na kinahaharap ng sektor ng transportasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, iginiit ni de Luna na hangad nilang maging bukas ang programa sa lahat ng drayber sa buong bansa kung ito ay ipagpapatuloy. Aniya, ang ipinatupad na programa ay malaking ginhawa hindi lamang sa mga operator at drayber kundi pati na rin sa mga pasahero, dahil mas maayos at episyenteng serbisyo ang maibibigay sa ilalim ng ganitong sistema.

Ipinaliwanag din niya na pangunahing nakatuon ang programa sa mga rutang tinuturing na “long run routes.” Gayunpaman, para sa mga maiikling ruta, nanawagan siya sa mga lokal na pamahalaan na umagapay sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang pondo upang maisakatuparan din ang benepisyo ng programa sa mga ito.

--Ads--

Ayon kay de Luna, isang “win-win situation” ang service contracting program para sa lahat ng sektor. Ngunit kinilala rin niya ang malaking hamon: pansamantala lamang itong solusyon sa mas malalim na problemang kinakaharap ng industriya. Dahil dito, umaasa siyang magpapatuloy ang programa hangga’t naroroon ang krisis.

Kaugnay nito, nanawagan din siya sa pamahalaan na magbigay ng paunang bayad sa mga drayber upang matustusan ang kanilang diesel, pati na rin ang regular na payout kada tatlong araw upang masigurong may pagkain sa kanilang hapag.

Binigyang-diin ni de Luna ang hindi makatwirang agwat sa pagitan ng libu-libong puhunan ng mga drayber at operator kumpara sa kakarampot na kita na umaabot lamang sa P200 hanggang P300 matapos ang isang buong araw ng pamamasada. Dahil dito, muling iginiit ng kanilang grupo ang patuloy na suporta ng gobyerno upang matulungan ang sektor ng transportasyon na makabangon at makaligtas sa gitna ng patuloy na pagsubok.