DAGUPAN CITY—Nakapagtala ang Bureau of Fire Protection (BFP) Dagupan ng anim na insidente ng grass fire sa lungsod sa panahon ng Semana Santa, ayon kay City Fire Marshal FCINSP. Jhun Eland Wanawan.
Sa anim na kaso, apat ang naitala sa Bonuan-Binloc, isa sa Bonuan-Boquig, at isa sa Malued, na karamihan ay nangyari sa mga pribadong lupain.
Ayon kay Wanawan, posibleng dulot ito ng mataas na heat index, kung saan umabot sa 39 hanggang 40 degrees Celsius ang temperatura sa Dagupan noong mga panahong iyon. Dahil dito, natutuyo ang kapaligiran at nagiging mas madaling magliyab.
Batay sa kanilang datos, karamihan rin sa mga insidente ay sanhi ng napabayaang pagsusunog ng basura. Binigyang-diin niya na ang ganitong gawain ay paglabag sa Clean Air Act, na nagbabawal sa pagsusunog ng basura.
Dagdag pa niya, kung ang pagsusunog ay magdudulot ng pinsala sa tao o ari-arian, maaari ring managot sa ilalim ng Fire Code of the Philippines, tulad ng kasong reckless imprudence.
Pinayuhan naman ni Wanawan ang publiko na iwasan ang pagsusunog ng basura at sa halip ay magsagawa ng tamang segregation at recycling, at ipaubaya ang koleksyon sa mga nakatalagang mangongolekta ng basura.










