DAGUPAN CITY- Binigyan halaga ni Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, ang pagdeklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng State of National Energy Emergency at pagbuo ng komite bilang pagtugon sa krisis ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniya, hindi dapat ito ikabahala ng mamamayan bagkus, isang magandang bagay na kinikilala na ng pamahalaan ang nararanasang krisis.
Aniya, mas mapapabilis pa nito ang pagtugon ng gobyerno at paglabas ng mga kinakailangang resources.
Gayunpaman, nakikita ni Simbulan na ang paglikha ng crisis committee ay hindi nalalayo sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na pansamantala lamang, walang sariling budget, at may kakulangan sa tauhan.
Mas maigi umano na ang mga departamentong may kaugnay sa ekonomiya ang magsilbing komite upang makagawa ito ng agarang aksyon.
Mungkahi rin niya na mahalaga ang pagpulong ng mga bumubuo ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) para sa pagpasa ng mga panukalang-batas hinggil sa emerhensiya.
Dagdag pa ni Simbulan, hindi na dapat pinapatagal pa ng gobyerno ang pagtugon sa krisis dahil inaasahan pa ang pagtagal ng sigalot sa Middle East at mas lalong maaapektuhan ng inflation ang kabuhayan ng mga ordinaryong mamamayan.










