Palakasan ng loob at pinipilit pa ring pumasok ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Israel sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa middle east.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mhel Grace Esico – Bombo International News Correspondent sa Israel, karamihan sa kanyang mga kaibigan ay ayaw umuwi sa bansa dahil kapag sila ay umuwi ay mamamatay lamang umano sila sa gutom.
Sinabi ni Esico na kahit paano ay may trabaho sila doon at may naipapadala sa kanilang pamilya.
Sa ngayon ay hindi sila gaanong naapektuhan sa lugar ng trabaho dahil mayroon silang bomb shelter.
Aniya, ang mga hotel workers ang pinakaapektado dahil walang tourist at sarado ang ibang hotel. Halos karamihan umano sa mga OFW na nagpa repatriate ay mga hotel workers.
Umaasa naman sila na matapos na ang girian ng dalawang bansa subalit, hindi umano dapat magpakampante at hindi puwedeng pagkatiwalian ang sinasabi ng kabilang panig dahil kahit noon pa kahit may ceasefire ay mayat maya ay nagpapadala sila ng missiles.










