DAGUPAN CITY—Patuloy na pinapasan ng mga magsasaka ang pagtaas ng presyo ng langis at abono, na nagdudulot ng matinding pagtaas sa kanilang gastusin sa produksyon.

Ayon kay ayon kay Ariel Casilao ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, batay sa kanilang pag-aaral sa Ilocos Region, malaki ang itinaas ng konsumo at gastos sa gasolina para sa iba’t ibang pananim.

Aniya, bago ang oil price shock, umaabot sa mahigit pitong libong piso ang gastos sa 130 litro ng gasolina para sa tabako. Nasa mahigit dalawang libong piso naman ang kailangan para sa mais at bawang, habang higit isang libo para sa lazona, at halos tatlong libo para sa palay.

--Ads--

Ngunit matapos ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, sinabi niyang halos dumoble ang mga halagang ito.

Ibig sabihin, lagpas isang daang porsyento ang itinaas ng gastos sa gasolina pa lamang—hindi pa kasama ang abono, pestisidyo, at iba pang inputs.

Dagdag pa ni Casilao, na sa mga paunang ulat mula sa mga magsasaka, ang presyo ng urea ay mula sa isang libo’t pitong daan limampung piso kada sako ay umakyat na sa halos dalawang libo’t apat na raan.

May pangamba aniya na maaari pa itong pumalo sa tatlong libong piso kada sako sa mga susunod na linggo, lalo’t inaasahan pa ang panibagong oil price hike.

Ayon pa sa kanya, karaniwang lima hanggang walong sako ang ginagamit ng mga magsasaka, kaya’t lalong lumalaki ang kanilang gastusin.

Dahil dito, tinatayang aabot na sa walumpu hanggang isang daang libong piso ang kapital na kailangan para sa isang ektaryang palayan sa darating na taniman.

Bagama’t may alternatibo tulad ng organic fertilizers, ipinaliwanag ni Casilao na may limitasyon ito pagdating sa bilis at kahusayan ng produksyon.

Dagdag pa niya, maging ang lokal na produksyon ng abono ay apektado rin ng pagtaas ng presyo ng langis, na nagdudulot ng domino effect sa iba’t ibang sektor.

Sa kabuuan, giit niya, nananatiling umaasa ang bansa sa imported na farm inputs—isang sitwasyong lalo pang nagpapabigat sa kalagayan ng mga magsasaka.