Dagupan City – Nagkaloob ng family food packs ang pamahalaan sa kabuuang 744 pamilyang mangingisda sa Anda at Bolinao, Pangasinan na naapektuhan ng red tide toxin na nakaapekto sa kanilang kabuhayan.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Ilocos Region, 440 sa mga benepisyaryo ay mula sa Bolinao habang 304 naman ang mula sa Anda.

Sinabi ng BFAR na maaaring madagdagan pa ang bilang ng mga makatatanggap ng tulong matapos muling maglabas ng red tide advisory sa ilang bahagi ng lugar.

--Ads--

Nakikipagtulungan ang BFAR sa Department of Social Welfare and Development at sa mga lokal na pamahalaan ng Anda at Bolinao upang makapagbigay pa ng karagdagang tulong tulad ng posibleng livelihood assistance o cash aid para sa mga apektadong pamilya.

Samantala ang ilang mangingisdang naapektuhan ng red tide ay pansamantalang lumipat sa ibang hanapbuhay tulad ng pangingisda sa ibang lugar o pagtatrabaho sa aquaculture.

Matatandaang naglabas ng unang red tide advisory noong Enero 15 matapos magpositibo sa toxin ang mga shellfish sample mula sa mga baybaying lugar ng Anda at Bolinao.