Tinamaan ng isang pagsabog ang embahada ng Estados Unidos sa Oslo sa madaling-araw, ayon sa pulisya ng Norway.

Sinabi ng pulisya na nagpadala ng malaking bilang ng mga tauhan sa lugar sa kabisera ng Norway bandang alas-1:00 ng madaling-araw (00:00 GMT).

Ayon sa isang pahayag, nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa embahada at wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

--Ads--

Idinagdag pa na wala pang malinaw na impormasyon kung ano talaga ang nangyari o kung sino ang maaaring sangkot sa pagsabog.

Batay sa ulat ng media, nakapagtamo lamang ng bahagyang pinsala ang gusali ng embahada. Wala pa ring pahayag ang mga empleyado ng Estados Unidos na nakatalaga sa naturang diplomatikong misyon.

Ayon kay Michael Dellemyr, na namumuno sa operasyon ng pulisya, nangyari ang pagsabog sa pampublikong pasukan ng gusali, batay sa kanyang panayam sa pampublikong brodkaster ng Norway na NRK.

Matatagpuan ang embahada ng Estados Unidos sa distrito ng Morgedalsvegen sa Oslo, na nasa humigit-kumulang 7 kilometro (4 na milya) ang layo mula sa sentro ng lungsod.