DAGUPAN CITY—Muling nagpositibo sa red tide toxin ang mga bayan ng Anda at Bolinao batay sa isinagawang laboratory analysis kahapon—isang linggo lamang matapos alisin ang red tide advisory sa mga nasabing lugar.
Ayon kay Martin T. Allayban, OIC-Regional Fisheries Training and Fisherfolk Coordination Division, isa sa nakikitang dahilan ng pabalik-balik na red tide toxin ay ang hindi magandang water quality sa mga apektadong karagatan. Posible rin umanong nakaaapekto ang pagiging kalmado ng dagat, kung saan hindi agad nafa-flush out ang toxins dahil sa kawalan ng galaw ng tubig.
Lubhang tinamaan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa dalawang bayan. Halos isang buwan nang pabalik-balik ang red tide toxin, dahilan upang muli silang mawalan ng mapagkakakitaan at maibebenta sa pamilihan.
Ayon kay Allayban, nakikipag-ugnayan na ang kanilang tanggapan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mabigyan ng kahit kaunting tulong ang mga residente ng Anda at Bolinao na apektado ng sitwasyon.
Samantala, patuloy ang monitoring ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 1 sa mga apektadong karagatan. Umaasa ang ahensya na magiging maayos ang resulta ng susunod na laboratory analysis bago sumapit ang Holy Week.
Mahigpit namang nagbabala ang mga awtoridad sa publiko na iwasan muna ang paghuhuli, pagbili, at pagkain ng anumang shellfish mula sa mga apektadong dagat. Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng BFAR sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga konsyumer.










