Dagupan City – ‎Isang aksidente sa kalsada ang naganap sa kahabaan ng national road sa Barangay Guiguilonen, Mangaldan, Pangasinan na ikinasugat ng isang motorista, habang tinutugis naman ng mga awtoridad ang driver ng isa pang sasakyang sangkot sa insidente.

‎Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, tinatahak ng motorsiklo ng biktima ang nasabing kalsada mula kanluran patungong silangan nang mangyari ang insidente.

Pagsapit sa lugar, isang sasakyan na nagmula sa alternatibong kalsada sa timog at patungong kanluran ang umano’y hindi napansin ang paparating na motorsiklo, dahilan upang maganap ang banggaan.

‎Nagtamo ng mga sugat ang 31 taong gulang na motorista. Agad siyang rumespondehan ng ambulansiya ng lokal na pamahalaan at isinugod sa R1MC Annex sa Bonuan Binloc, Dagupan City para sa agarang gamutan.

Ayon sa pulisya, ang biktima ay nakasuot ng protective helmet at hindi nasa ilalim ng impluwensiya ng alak nang mangyari ang aksidente, bagama’t napag-alamang wala siyang lisensiya sa pagmamaneho.

‎Samantala, tumakas ang driver ng isa pang sasakyang sangkot sa insidente matapos ang banggaan at nagtungo patungong kanluran. Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang Mangaldan Police Station para sa posibleng pagkakaaresto sa suspek.

‎Ang motorsiklo ng biktima ay nagtamo rin ng pinsala at dinala sa himpilan ng pulisya para sa wastong disposisyon. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at mapanagot ang responsable sa insidente.

--Ads--