DAGUPAN CITY — Humingi ng tulong ang Dagupan City Engineering Office sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa umano’y pagdami ng mga illegal settlers sa lungsod.

Ayon kay Engr. Josephine Corpuz, sa kanilang nakaraang session, dapat bigyang diin ng ahensya ang road right of way at ang pagsunod dito, lalo na’t nagiging malaking problema na ang mga squatter areas sa ilang pang-turismong lugar at establisyemento sa bayan ng Dagupan.

Ipinahayag ni Corpuz na hangad nilang mapanatili ang eksklusibong implementasyon ng boundaries ng national roads at mga residential areas. Aniya, makakatulong ito sa pagpaplano ng mga alternate routes ng DPWH at sa mas maayos na preparasyon ng lungsod.
Binigyang-diin din niya na kung hindi mabibigyang aksyon ang isyu, maaring maulit ang nangyari dati, kung saan matapos ang mga flood control projects ng ahensya, sunod-sunod na naipapalawak muli ng mga residente ang kani-kanilang mga bahay sa mga nasabing lugar.

--Ads--

Hinihikayat niya na ang nasabing rekomendasyon ay magbibigay ng kapanatagan sa lungsod, kung saan hindi basta-basta dadami ang mga illegal settlers at mapapanatili ang kaayusan sa bayan.

Samantala, ayon sa DPWH Pangasinan, ang road right of way sa Dagupan City ay may lawak na 20 meters (o 10 meters mula sa center line), maliban sa Judge Jose de Venecia Extension kung saan ito ay 30 meters (o 15 meters mula sa center line). Depensa ng ahensya, maigi ang kanilang pagbibigay ng impormasyon at notices sa mga residenteng sumobra sa extension, subalit malaking dilemma pa rin ito.

Nagpa-plano rin ang DPWH na bumuo ng isang task force upang masiguro ang seguridad ng hindi lamang mga residente kundi pati na rin ng mga opisyal ng ahensya. Kung sakali namang maipatupad ang ordinansa, maglalabas ang DPWH ng una at ikalawang warning sa mga violators, at sa pangatlong pagkakataon, makikipag-coordinate sila sa PNP para sa clearing operations.