Nagbabala ang Department of Labor and Employment Regional Office 1 sa publiko laban sa mga indibidwal o grupong umano’y personal na nagre-recruit at nanghihikayat ng mga nais makasali sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers o TUPAD.

Ayon sa DOLE RO1, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng personal recruitment para sa TUPAD dahil hindi ito bahagi ng opisyal na alituntunin ng ahensya.
Nilinaw ng kagawaran na ang naturang programa ay eksklusibong ipinapatupad lamang sa pamamagitan ng DOLE, mga local government units o LGU, at Public Employment Services Office o PESO.

Ipinaliwanag ng ahensya na walang sinuman ang may karapatang manghingi ng bayad, pabor, o makipag-ugnayan nang personal kapalit ng paglahok sa TUPAD. Ang ganitong gawain ay itinuturing na panlilinlang at paglabag sa umiiral na mga patakaran ng pamahalaan.

--Ads--

Binigyang-diin pa ng DOLE RO1 na ang sinumang mapapatunayang sangkot sa ilegal na panghihikayat o pananamantala gamit ang pangalan ng programa ay maaaring managot sa ilalim ng batas.

Hinimok naman ang mga interesadong benepisyaryo na direktang makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng DOLE o sa kanilang lokal na pamahalaan upang makakuha ng tamang impormasyon at opisyal na proseso ng aplikasyon.

Patuloy ang paalala ng DOLE RO1 na maging mapanuri at mag-ingat laban sa mga mapagsamantalang gawain upang matiyak na ang tulong ng pamahalaan ay mapupunta sa mga tunay na nangangailangan.