Dagupan City – Maglalaan ngayong taon ang Australia ng bahagi ng kanilang defence spending para sa mga proyektong pang-imprastruktura sa limang base militar sa Pilipinas, bilang bahagi ng pinalalakas na kooperasyong panseguridad sa rehiyon at pagdiin na atin ang West Philippine Sea.

Ang limang base militar ay pawang matatagpuan sa isla ng Luzon, malapit sa West Philippine Sea at Taiwan — dalawang lugar na itinuturing na pangunahing flashpoints sa umiigting na tensyon sa Indo-Pacific region.

Ayon kay Denmark Suede, Bombo International News Correspondent sa Australia, ang hakbang na ito ay kaugnay ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at mas malawak na estratehiya ng Australia at ng mga kaalyado nito upang mapanatili ang katatagan ng rehiyon.

--Ads--

Aniya, matagal na umanong umiiral ang ugnayang militar ng Australia at Pilipinas, na nagsimula pa noong panahon ni General Douglas MacArthur noong World War II.

Gayunman, iginiit nito na hindi sapat na panangga laban sa China ang tulong-militar ng Australia kung ito lamang ang pagbabasehan.

Binanggit din niya na noong 1992, habang aktibo pa ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas, hindi umano lantad ang presensya ng China sa West Philippine Sea.

Ngunit nang umalis ang mga pwersang Amerikano noong 1995, doon nagsimulang pumasok at magpalakas ng impluwensya ang China sa nasabing karagatan.

Sa kabila nito, nananatiling watak-watak ang pananaw ng mga Pilipino hinggil sa isyu.

Ayon kay Suede, sapat na ang ilang social media posts upang madaling mahati ang opinyon ng publiko, isang sitwasyong maaaring samantalahin sa tinatawag na divide and conquer strategy.