Nagbabala ang Kilusang Mayo Uno (KMU) laban sa umano’y paglaganap ng mga “fixer” sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE), at iginiit na hindi nito tinutugunan ang malalang krisis sa kawalan ng trabaho sa bansa.
Ayon kay Jerome Adonis, Chairperson ng nasabing grupo, bagama’t wala pang natatanggap na opisyal na ulat ang DOLE hinggil sa mga fixer, nananatiling prone sa korapsiyon ang naturang programa.
Aniya, ang pagpapatupad ng TUPAD ay “selective at pili,” at wala umanong pinagkaiba sa political patronage dahil mas nabibigyang-pabor ang mga may koneksiyon.
Dagdag niya imbes na maglaan ng pondo sa mga panandaliang programa, dapat ilaan ito sa pangmatagalang solusyon para sa mga walang trabaho.
Bagamat, hindi kasalanan ng mga mamamayan kung bakit sila walang trabaho dahil matagal na umano silang nagsusumikap na makahanap ng hanapbuhay.
Iginiit ng KMU na responsibilidad ng gobyerno ang paglikha ng sapat at disenteng trabaho, upang matiyak na kayang buhayin ng mga manggagawa ang kanilang pamilya.
Sa kasalukuyan, ayon kay Adonis, marami na ngang may trabaho ngunit napipilitan pang maghanap ng sideline dahil hindi sapat ang sahod para sa pang-araw-araw na gastusin.
Giit niya na dekada-dekada na ang problema ng kawalan ng trabaho ngunit hindi umano ito seryosong ina-address ng pamahalaan.
Binatikos din ng grupo ang patuloy na pag-asa ng gobyerno sa ayuda at cash-for-work programs tulad ng TUPAD, na ayon sa grupo ay pinopondohan sa pamamagitan ng utang.
Anila, bagama’t may naibibigay na pansamantalang tulong ang programa, wala naman itong nalilikhang pangmatagalang trabaho habang patuloy na lumalaki ang utang ng bansa.
Nanawagan naman ito sa pamahalaan na talikuran ang mga panandaliang hakbang at magpatupad ng malinaw at pangmatagalang programang pangkabuhayan upang resolbahin ang lumalalang krisis sa trabaho sa bansa.










