Kinuwestiyon ng Rise Up for Life and for Rights ang pagsusumite ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng sariling medical report sa International Criminal Court (ICC), na ayon sa grupo ay isa umanong panibagong paraan ng pagdedelay sa proseso ng hustisya.

Ayon kay Rubylin Litao, Coordinator ng nasabing grupo, malinaw para sa kanilang grupo na kahit may edad na ang dating pangulo ay nananatili pa rin umano siyang may kakayahang harapin ang mga legal na proseso kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa kanya.

Kung saan bingyang diin niya na hindi si dating Pangulong Duterte ang biktima sa kasong ito kundi ang mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay.

--Ads--

Mariin ding tinututulan ng grupo ang anumang posibilidad ng interim release, at iginiit na kung sakaling ito ay ipagkaloob, hindi umano ito dapat mangyari sa loob ng Pilipinas.

Binanggit din ni Litao na halos isang taon na mula noong Marso nang magsimula ang iba’t ibang hakbang na aniya’y malinaw na nagpapakita ng mga taktika ng pag-antala sa proseso.

Gayunman, nananatili pa rin ang kanilang tiwala sa ICC.

Sa kabila ng mga balitang ito, sinabi ni Litao na patuloy na nagdarasal ang mga pamilya ng mga biktima at hindi nawawalan ng pag-asa na makakamit ang hustisya.

Aniya, mahalagang harapin ang katotohanan kung paano umano nalabag ang karapatang pantao ng mga mamamayan sa ilalim ng mga polisiyang ipinatupad noon.

Ibinahagi rin niya na may ilang mga ina ng biktima ang pumanaw na nang hindi pa nakakamtan ang hustisya para sa kanilang mga anak.

Para sa Rise Up for Life and for Rights, hindi na lamang umano ito usapin ng pananagutan ni Duterte kundi pati ng pananatili ng kapangyarihan ng kanilang pamilya.

Tinukoy nila ang mga hakbang ng pamilya ng dating pangulo bilang isang political maneuver, kabilang ang umano’y pagpapakita ng awa sa publiko sa pamamagitan ng pagdalaw sa kanilang ama.