Umabot na sa mahigit 65 katao ang nasawi at higit sa 2,300 ang naaresto sa loob ng dalawang linggo ng anti-government protest sa Iran, ayon sa US-based Human Rights Activists News Agency.
Ang mga demonstrasyon ay bahagi ng malawakang pag-aalsa sa buong bansa dahil sa matinding krisis sa ekonomiya.
Kasabay ng mga protesta, nagpapatuloy ang pag-block ng internet sa buong bansa, na ipinatupad ng mga awtoridad.
Noong Huwebes, pinutol ang koneksyon sa internet at linya ng telepono sa Tehran at iba pang lungsod.
Samantala, nagbabala si US President Donald Trump na maaaring umatake sa Iran kung gagamit ng dahas ang mga pwersang panseguridad.
Sinabi naman ni US Secretary of State Marco Rubio na sumusuporta ang Estados Unidos sa mamamayan ng Iran.
Binigyang-tugon naman ng Kataas-taasang Pinuno ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei si Trump, at hinimok siyang “ituon ang pansin sa sariling bansa.”
Sinisi rin niya ang Estados Unidos sa pagpapasiklab ng mga protesta.










