Mas ilalapit sa mga residente ng Dagupan City ang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng isang tatlong araw na Medical, Surgical at Dental Mission na isasagawa sa huling bahagi ng Enero hanggang unang araw ng Pebrero sa Dagupan City People’s Astrodome.

‎Layunin ng aktibidad na mabigyan ng libreng konsultasyon at gamutan ang mas maraming Dagupeño, lalo na ang mga senior citizen at pamilyang may limitadong access sa serbisyong medikal. Kabilang sa mga serbisyong inihahanda ang konsultasyon para sa arthritis at osteoporosis, dental check-up, physical therapy, eye check-up, at pangkalahatang health consultation.

‎Ayon sa mga tagapaghanda ng programa, pinag-igting ang koordinasyon ng iba’t ibang sektor upang masiguro ang maayos na daloy ng mga pasyente at patas na distribusyon ng serbisyo. Tinututukan din ang seguridad at kaayusan ng lugar upang maging ligtas ang lahat ng lalahok.

‎Makikibahagi sa aktibidad ang mga volunteer doctor at health worker mula sa lokal at internasyonal na grupo, katuwang ang lokal na health office ng lungsod.

‎Samantala, bahagi rin ng mas pangmatagalang plano ng lungsod ang pagdaragdag ng mga doktor upang matugunan ang patuloy na pangangailangan sa libreng serbisyong pangkalusugan at masigurong walang maiiwan sa mga programang pangkalusugan.