DAGUPAN CITY- Sa pagpapatuloy ng mga military exercise ng China malapit sa Taiwan at ang joint exercises ng Pilipinas kasama ang Estados Unidos at iba pang bansa, lumalalim naman ang pangamba ng sektor ng mangingisda sa epekto nito sa kanilang kabuhayan at karagatan.
Ayon kay Pablo Rosales, Presidente ng Pangisda Pilipinas, ang mga ganitong aktibidad ay nagdudulot ng takot sa mga mangingisda at nagiging dahilan upang pansamantalang mahinto ang pangingisda sa ilang bahagi ng karagatan.
“Kapag pinahinto kami (lumaot), parang pinahinto na rin kaming kumain,” ani Rosales. Dagdag pa niya, dagat lamang ang inaasahan ng mga mangingisda para mabuhay.
Bukod sa takot, binigyang-diin ni Rosales ang pinsalang dulot ng paggamit ng live ammunition sa mga pagsasanay militar.
Aniya, ang mga pagsabog ay sumisira sa coral reefs at nagdudulot ng pagkamatay ng mga isda, na nagreresulta sa unti-unting pagkaubos ng yamang-dagat.
Dahil sa tensyon sa West Philippine Sea, marami umanong mangingisda ang hindi na makapangisda sa kanilang dating lugar at napipilitang dumayo sa mas malalayong bahagi ng karagatan gaya ng Benham Rise.
Nanawagan din ang Pangisda Pilipinas na huwag makisali ang bansa sa girian ng malalaking kapangyarihan.
Ayon kay Rosales, dapat tumindig ang Pilipinas bilang isang independent na bansa at ituon ang pansin sa pagpapaunlad ng lokal na pangisdaan at food security.
Hindi rin aniya dapat balewalain ang problema ng commercial fishing na patuloy umanong pumapasok sa municipal waters, kahit na ipinagbabawal ito ng Fisheries Code of the Philippines.
Ito umano ang isa sa mga pangunahing dahilan ng mabilis na pagkaubos ng isda sa mga baybayin.
Panawagan pa ng grupo sa pamahalaan na magbigay ng sapat na ayuda at suporta sa mga mangingisda tuwing may abiso na huwag lumalaot dahil sa military exercises.
Para sa mga mangingisda,hindi abstraktong isyu ang tensyon sa karagatan. Ito ay usapin mg kung may maiuuwi bang pagkain sa kanilang pamilya at kung may isda pa bang mahuhuli sa susunod na taon.
Habang patuloy ang banggan ng interes ng malalaking bansa, nananatili ang panawagan ng sektor: kapayapaan sa karagatan at tunay na pagprotekta sa kabuhayan ng Pilipino.










