Dagupan City – Muling pinaigting ng PNP Bugallon ang kanilang pakikiisa sa 18-Day Campaign to End Violence Against Women bilang bahagi ng taunang adbokasiya laban sa anumang uri ng pang-aabuso sa kababaihan.

Sa kanilang isinagawang obserbasyon, kinumpirma ng istasyon na nananatiling pangunahing layunin nito ang pagprotekta sa kababaihan at pagtitiyak na mananatiling ligtas ang bawat miyembro ng komunidad.

Sa pangunguna ni Acting Chief of Police, Police Major Arnold Soriano, isinagawa ng mga pulis ng Bugallon ang iba’t ibang aktibidad tulad ng mga lecture sa mga paaralan, pagbisita sa mga barangay, at impormasyon drives sa mga parke malapit sa mga eskwelahan.

--Ads--

Mahigpit ding binabantayan na hindi pinapayagan ang anumang uri ng karahasan sa loob ng kanilang hanay upang mapanatili ang integridad at propesyunalismo ng kapulisan.

Ipinunto rin ng PNP Bugallon na patuloy ang kanilang pagmomonitor sa mga insidente sa pamamagitan ng Women and Children Protection Desk, na siyang tumatanggap at kumikilos sa mga reklamo at kaso ng pang-aabuso.

Bahagi ng kampanya ang pagpapalakas ng mga programa upang masugpo ang anumang porma ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan.

Patuloy na hinihikayat ng kapulisan ang publiko na makipagtulungan, magsumbong, at suportahan ang mga programang naglalayong wakasan ang karahasang nararanasan ng kababaihan at kabataan.

Binigyang-diin ng PNP Bugallon na nananatili silang determinado sa kanilang pangakong protektahan ang sektor ng kababaihan at tiyaking mananatiling ligtas at maayos ang komunidad.