Nakataas na ang Bureau of Fire Protection (BFP) Pangasinan sa Code Blue ang alert status nito bilang paghahanda sa kapaskuhan habang inaasahan naman na itataas ito sa Code Red simula Disyembre 23, 2025.
Sa ilalim ng Code Blue, kalahati ng mga tauhan ng BFP ay naka-standby upang mapalakas ang kahandaan at masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Ayon kay Provincial Fire Marshall FSSUPT Marvin T. Carbonel, suspendido ang lahat ng vacation leave maliban sa maternity, paternity at sick leave ng mga bumbero.
Tinitiyak din na ang lahat ng tauhan ay on-call at handang tumugon sa anumang emergency.
Mula Disyembre 23, 2025 hanggang Enero 2, 2026, itataas naman ito sa Code Red ang alert status kung saan 100 porsyento ng mga tauhan ay naka-antabay para sa agad na pagtugon sa anumang insidente ngayong holiday season.
Samantala, inilunsad na noong Disyembre 1, 2025 ng BFP Pangasinan ang “Oplan Iwas Paputok” na tatagal hanggang Enero 2, 2026.
Dahil dito, mas paiigtingin ang operasyon mula Disyembre 15 hanggang Enero 2, na siyang inaasahang kasagsagan ng paggamit ng paputok.
Dagdag niya na nagsisimula na din ang pagroroving ng mga tauhan ng BFP sa ilalim ng Oplan Iwas Paputok para magbigay ng mga kampanya at impormasyon sa mga komunidad tungkol sa mga dapat at hindi dapat gawin upang maiwasan ang paggamit ng ilegal na paputok.
Hinihikayat din ni FSSUPT Carbonel ang publiko na makipagtulungan sa BFP at ireport ang anumang ilegal na paggawa ng paputok.
Ito ay matapos may naitala sa Barangay Tebeng at Barangay Bacayao Norte sa lungsod ng Dagupan ng pagawaan ng illegal na paputok para maiwasan ang mga di inaasahang pangyayari.










