DAGUPAN CITY – Ipinamahagi ang 25 dairy carabaos sa mga miyembro ng Aliguas Banaoang Farmers Association Inc. sa bayan ng Sta. Barbara, Pangasinan kamakailan bilang bahagi ng Organic Dairy Carabao at Vermicomposting Livelihood Project ng DA–RFO I.

Pinamumunuan ang asosasyon ni Jerome E. Noble, at tututukan ng Municipal Agriculture Office ang implementasyon ng proyekto sa pamamagitan ng technical assistance at monitoring mula sa mga beterinaryo na sina Dr. Geraldine Beralde, Dr. Exequiel V. Calimlim, at barangay technician na si Victor Jose Corpuz.

Layunin ng proyektong ito na palakasin ang kakayahan ng mga lokal na magsasaka sa sustainable agriculture, partikular sa organikong dairy farming at vermicomposting.

--Ads--

Ang pamamahagi ng mga dairy carabaos ay inaasahang magbibigay ng mas maaasahang pinagkukunan ng gatas, dagdag na kita, at mas matatag na kabuhayan para sa mga kasapi ng asosasyon.

Bukod dito, binibigyang-diin rin ng proyekto ang kahalagahan ng organikong pamamaraan sa pagsasaka, na nakatutulong sa kalusugan ng lupa at kapaligiran.

Ang programang ito ay bahagi rin ng mas malawak na layunin ng DA–RFO I na isulong ang pangmatagalang kaunlaran sa agrikultura, palakasin ang lokal na ekonomiya, at bigyan ang mga magsasaka ng oportunidad na magkaroon ng mas maayos at sustainable na kabuhayan.