Patuloy ang matinding pagbaha sa iba’t ibang komunidad sa Thailand, na nagdulot ng malawakang pagkaantala sa pang-araw-araw na buhay at pagpapatakbo ng mga establisyemento.
Ayon kay Yam Dahigo Bombo International News Correspondent sa Thailand, halos lahat ng paaralan at pamilihan sa mga apektadong lugar ay pansamantalang isinara.
Bagamat ang ilang residente na nakatira sa mas mataas na apartment ay ligtas mula sa baha, karamihan sa populasyon ay direktang naapektuhan.
Maraming pamilihan ang sarado at wala nang supply ng pagkain o iba pang pangangailangan.
Ang gobyerno naman ay nagbigay ng cash assistance at mga food packs sa mga apektadong residente.
At ani Dahigo ang mga opisyal na patuloy na namimigay ng tulong kahit sa gitna ng malakas na ulan, at nag-iikot sa mga komunidad upang matiyak na may makakain ang mga tao.
Tinatayang tatlong araw na ang matinding pagbaha, na nagdulot ng pagkaantala sa transportasyon dahil sa hindi madaanan ang ilang kalsada.
Maraming residente ang humingi rin ng tulong para sa agarang evacuation.
Samantala, nag-post naman ang Philippine Embassy ng impormasyon para sa mga kababayan nating Pilipino na apektado ng baha, kabilang ang mga kinakailangang hakbang at tulong na maaaring matanggap.










