Hindi puwedeng mag-delegate ang isang abogado ng tungkulin sa pagno-notaryo ng dokumento.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional lawyer, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ang notarial commission ay ibinibigay lamang sa mga abogado na personal na nag-apply sa korte, at limitado ang kapangyarihan nilang mag-notaryo.
Maari lamang silang mag-notaryo sa lugar na itinakda ng korte kung saan sila binigyan ng notarial commission, at hindi rin puwedeng ipirma sa staff o ibang tao ang dokumento na dapat sana’y sa abogado mismo pinapapirma.
Upang mabigyan ng notarial commission, kailangang ilagay ng abogado ang tamang address ng tanggapan kung saan siya magno-notaryo.
Kung sila’y magno-notaryo sa ibang bayan, basta’t sakop pa rin ng territorial jurisdiction ng Regional Trial Court na pinag-aplayan, kailangang itala sa notarial book na hindi ito ginawa sa opisina, at dapat ding ilagay kung saang bayan isinagawa ang notaryo.
Ayon pa kay Atty. Cera, bahagi ng proseso na hindi puwedeng magkaroon ng sangay (branch office) para sa notaryo, kahit nasa loob pa ng hurisdiksiyon.
Itinuturing na red flag kapag walang pangalan ng abogado sa dokumento, dahil nangangahulugan itong hindi awtorisado ang taong pumirma at posibleng may paglabag.
Ito ang sinasabing nangyari sa kaso ni Orly Guteza , isang “surprise witness” sa Senate Blue Ribbon Committee hearing tungkol sa anomalous flood control projects.
Una rito, si Guteza ay ipinagpapaliwanag kaugnay sa umano’y pekeng notaryo ng isang affidavit.
Hindi ito biro dahil maaari itong magresulta sa kasong falsification of public documents, at nagiging hindi valid ang kanyang salaysay.










