Dagupan City – Idinaos ng Philippine Statistics Authority – Regional Statistical Services Office I (PSA–RSSO I) ang 7th Media Forum and Media Awards and Stakeholders’ Appreciation Ceremony sa PSA Calasiao, Pangasinan.

Layunin ng aktibidad na palakasin ang ugnayan ng PSA sa media at mga katuwang na institusyon, itampok ang mahahalagang statistical updates, at kilalanin ang mga natatanging kontribusyon ng stakeholders sa patuloy na pagsusulong ng makabuluhang datos para sa pananaliksik, pagpaplano, at paggawa ng polisiya.

Inilahad ni Maricel Nabong, Statistical Specialist II, PSA–RSSO I, ang Regional Summary of the 2024 Provincial Product Accounts.

--Ads--

Ipinakita niya ang mga trend, pagtaas at pagbaba ng output ng industriya, at ang kabuuang kontribusyon ng bawat lalawigan sa Gross Regional Domestic Product (GRDP).

Sunod na nagbigay ng ulat si Brent Huliganga, Statistical Analyst – COSW, SOCD, PSA–RSSO I, hinggil sa Regional Tourism Satellite Accounts.

Binanggit niya na mas lumalakas ang turismo sa sektor ng serbisyo at tinuturing na isa sa pinakamalakas na driver ng regional economic recovery.

Ipinresenta ni Amir Alliah Huliganga, Statistical Analyst, COSW, SOCD, PSA–RSSO I, ang Environment and Natural Resources Accounts. Ang ENRA umano ay tumutulong upang masukat ang ugnayan ng kalikasan at ekonomiya, at upang mabigyang-daan ang mga polisiya para sa sustainable development.

Tinalakay ni Cammile Carla Beltran, Chief Administrative Officer, CRASD, PSA–RSSO I, ang pinakahuling update sa Civil Registration and Vital Statistics. Inilahad niya ang statistical trends sa birth, marriage, at death registrations, pati na rin ang mga inisyatibo ng PSA upang higit pang mapadali at mapabilis ang mga transaksyon sa civil registration.

Tinapos ni Cristopher Flores, Registration Officer III, PAS–RSSO I, ang serye ng presentasyon sa pamamagitan ng pagtalakay sa implementasyon ng National Identification System (PhilSys) sa Rehiyon I.

Binanggit niya na ang PhilSys ay mahalagang hakbang upang mapalakas ang digital governance at maiwasan ang identity fraud.

Kasunod ng mga presentasyon ay isinagawa ang Media Awards and Stakeholders’ Appreciation Ceremony.

Kinilala rin ang iba’t ibang opisina at organisasyon na naging katuwang ng PSA sa matagumpay na implementasyon ng mga statistical at civil registration programs sa buong rehiyon.