Matapos ang naranasang pagbayo ng malalakas na hangin at storm surge sa mga coastal area sa Pangasinan, ipinagpasalamat ng provincial government ng Pangasinan na walang naitalang naaksidente o nasawi sa pananalasa ni Super Typhoon Uwan.
Maagang nagkaroon ng pre-emptive evacuation sa mga coastal barangay, nagbahay bahay ang mga rescue team at sinundo ang mga residenteng nakatira malapit sa dagat, at dinala sa evacuation centers.
Walang mangingisdang pinayagang pumalaot, kayat inilagay na lamang nila ang kanilang mga bangka sa ligtas na lugar.
Bagamat nasa tatlong metrong taas ng tubig ang hatid ng storm surge sa mga baybayin ng mga coastal municipalities tulad ng Lingayen, Binmaley, Dagupan, San Fabian, maagang nailikas ang mga residenteng nakatira sa coastal area.
Nasa 23 na LGU ang nagsagawa ng paglikas at umabot sa 8,290 na pamilya o nasa 27,216 na indibidual ang pansamantalang nanuluyan sa mga evacuation center.
Bagamat kabilang ang Pangasinan sa pinaka apektado, ayon sa OCD lumabas sa on ground assessment ng provincial government na hindi naging malubha ang pinsala ng bagyo kumpara sa inaasahan.
Naibalik na rin ang suplay ng kuryente sa malaking bahagi ng lalawigan, unti unti na ring narestore ang communication lines dito.
Sa pinakahuling tala ng PDRRMO, 21 na bahay ang nawasak, nagsasagawa pa rin naman ng assessment and validation ang tanggapan ng agrikultura ng lalawigan sa epekto ng bagyo sa mga pananim.
Nagpasalamat si Governor Ramon V Guico III sa lahat ng ahensya, volunteers at mga responders sa maagap na pagplano at pagkilos sa pananalasa ng bagyo.
Maging ang pakikiisa ng mga Pangasinense na agad sumunod sa babala at utos na lumikas ng maaga na nagresulta ng zero casualty sa lalawigan.










