Dagupan City – Isang karangalan muli para sa Lungsod ng San Carlos matapos itong mapili bilang isa sa mga tumanggap ng parangal sa 2025 Gawad Parangal ng Nutrisyon sa Rehiyon Uno.

Ang prestihiyosong pagkilalang ito ay iginagawad sa mga lokal na pamahalaan na nagpakita ng natatanging dedikasyon sa pagpapatupad ng mga programa at inisyatiba para sa pagpapabuti ng kalusugan at nutrisyon ng kanilang mga mamamayan.

Ang Lungsod ng San Carlos ay kinilala dahil sa patuloy nitong pagsisikap na maisulong ang mga proyektong pangnutrisyon na nakatuon sa mga kabataan, ina, at iba pang sektor ng lipunan na nangangailangan ng suporta sa wastong kalusugan at nutrisyon.

--Ads--

Kabilang sa mga programang ito ang pagpapatupad ng mga feeding program sa mga pampublikong paaralan, regular na pagsusuri sa kalusugan ng mga bata, at mga kampanyang pang-impormasyon hinggil sa tamang nutrisyon at malusog na pamumuhay.

Sa pangunguna ng lokal na pamahalaan, katuwang ang City Nutrition Committee at iba’t ibang ahensiya at organisasyon, patuloy na pinapalakas ng San Carlos City ang mga hakbang tungo sa pagkamit ng isang mas malusog at mas produktibong komunidad.

Ang parangal na ito ay kolaborasyon ng pamahalaang lungsod, mga barangay, at ng mamamayan sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan.

Sa tuloy-tuloy na pagsuporta ng komunidad at pamahalaan, layunin ng lungsod na mapanatili at higit pang mapaunlad ang mga programang magbibigay ng mas maayos na kalidad ng buhay para sa bawat residente.