Dagupan City – Pinili ng ilang mangingisda sa lungsod ng Dagupan na huwag munang pumalaot matapos ang paglabas ng Gale Warning advisory dahil sa banta ng masamang panahon.
Ayon kay Cipriano Catubig, miyembro ng Samahan ng mga Mangingisda BJMP Chapter, nakastambay muna sila dahil katatapos lang ng bagyo.
Ani Catubig, dalawang linggo na silang matumal ang huli dahil sa hindi magandang kondisyon sa dagat.
Kung kaya’t ponapaalalahanan niya ang kanyang mga kapwa mangingisda na huwag munang pumalaot upang maiwasan ang panganib dulot ng panahong ito.
Ngunit inaasahan naman nila aniya na makakabalik na sa pangingisda bukas kapag naging maayos na ang lagay ng panahon.
Sa kanyang mahigit 40 taon bilang mangingisda, isa sa pangunahing suliranin na kanilang kinahaharap ay ang pagnanakaw ng pain na kanilang ginagamit sa pangingisda, na nagdudulot ng malalaking lugi sa kanilang hanapbuhay.
Dahil sa kawalan ng kita dulot ng sama ng panahon, sinusubukan na rin nila ang pagtanggap ng mga extra jobs sa konstruksiyon bilang alternatibong pagkakakitaan.