Mga kabombo! Isa ka ba sa mga mahilig magbahagi ng karanasan?

Paano na lamang kung sabihing hindi lahat ng mga ito ay dapat ibahagi at hindi rin ito ang tamang panahon?

Isang kilalang YouTuber kasi sa India na may mahigit kalahating milyong subscribers ang inaresto sa New Delhi dahil sa diumano’y pagpapakalat ng takot at paninira sa isang paliparan.

--Ads--

Kinilala ang YouTuber na si Akshay Vashisht kung saan ay inaakusahan siya ng pag-iimbento ng mga kuwento.

Paano ba naman kasi, ang mga videos nito tungkol sa isang airport ay pawang mga tungkol sa katatakutan.

Sa naturang channel, nag-post siya ng video na pinamagatang “Evil Haunted Goa Airport”.

Sa video, sinabi niya na ang Manohar International Airport, ang pinakabagong paliparan sa Goa, ay itinayo sa isang dating crematorium at ngayo’y sentro ng mga paranormal activity sa naturang lugar.

Nang matuklasan ng Social Media Monitoring Cell ng Goa Police ang kanyang video, inaresto si Vashisht at dinala sa Mopa Police Station para sa interogasyon.

Paliwanag ng pulisya ang clip ni Akshay Vashisht ay naglalaman ng “mga peke at mapanirang alegasyon” na ginawa upang palakihin ang kanyang online presence.

Sa video, na-interview niya diumano ang mga staff ng Manohar Airport na nakasaksi ng mga “paranormal activities” at marami raw mga piloto ang tumatangging lumipad sa gabi dahil sa mga nakikita umanong multo, kabilang ang isang misteryosang babae na naka­suot ng pulang saree sa runway ng paliparan.