Interes sa politika ang isa sa tinitignang dahilan kung bakit binaril ng isang 22-anyos na suspek si Charlie Kirk, kilalang conservative commentator at vocal na tagasuporta ni US President Donald Trump.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bradford Adkins, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos kinilala ang suspek bilang isang long-time resident ng Utah.

Ayon sa mga residente sa nasabing lugar, ikinagulat nila ang balita dahil kilala ang pamilya bilang tahimik at pribado.

--Ads--

Maging ang pagkatao ng suspek ay hindi umano nagpapakita ng anumang palatandaan ng karahasann lalo na at consistent honor student pa ito.

Ngunit ayon sa imbestigasyon, kamakailan lamang ay napansin ng mga malalapit sa kanya ang kanyang biglaang interes sa pulitika at pagpapakita ng matinding galit sa mundo.

Ang kanyang pagkakaaresto ay naisakatuparan matapos makipag-ugnayan ang kanyang pamilya sa isang malapit na kaibigan na siyang nakipag-ugnayan sa FBI.

Pinuri ng mga opisyal ang kooperasyon ng pamilya at kaibigan, na anila ay naging susi sa mabilisang pagkilos ng mga awtoridad.

Si Charlie Kirk ay kilalang executive director ng isang conservative youth foundation at madalas magdaos ng mga pampublikong dialogue at forum sa iba’t ibang unibersidad sa Amerika.

Bagamat ang layunin ay makipagdiskurso, ilang mga aktibidad niya sa nakaraan ay nauwi sa tensyon at kaguluhan, dahilan upang maging high-profile figure siya sa pulitika.

Ang pamamaril sa kanya ay ikinagulat hindi lamang ng kanyang mga tagasuporta kundi ng buong bansa.

Maging ang suspek ay ngayo’y nasa ilalim ng matinding scrutiny ng publiko at media.

Ayon sa FBI, hindi konektado sa anumang gun advocacy group ang pamilya ng suspek, kaya’t palaisipan kung paano ito naging bihasa sa paggamit ng baril.

Kaugnay sa insidente nananawagan ngayon si Adkins sa publiko na paigtingin ang pagmamahal at tamang gabay sa kabataan upang maiwasan ang ganitong uri ng karahasan.