Pinarangalan bilang Regional Winner sa 2025 Rafael M. Salas Kaunlarang Pantao Award ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang dahil sa maayos, makabago, at sustenableng pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa population and development.
Iginawad ng Commission on Population and Development (CPD) ang prestihiyosong pagkilala sa ilalim ng Municipal Category, bilang pagkilala sa masigasig na pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na i-localize o isalin sa kontekstong lokal ang mga pambansang adyenda patungkol sa kaunlarang pantao.
Kabilang sa mga pangunahing programang ipinatupad ng LGU ang Responsible Parenthood and Family Planning, Adolescent Health and Youth Development, at Population and Development Integration na mga programang nakatuon sa pagbibigay-lakas sa bawat pamilya, kabataan, at komunidad tungo sa mas maayos at balanseng pag-unlad.
Itinatampok ng parangal ang kahalagahan ng partisipasyon ng mga LGU sa pagpapalaganap ng mga adbokasiya na tumutugon sa mga isyung panlipunan, tulad ng maagang pagbubuntis, access sa family planning, at ang kahalagahan ng edukasyon sa populasyon bilang bahagi ng mas malawak na plano sa pag-unlad.
Ginanap ang seremonya ng paggawad kamakailan sa Golden Rays View sa Lingayen na dinaluhan ng mga opisyal mula sa CPD, mga kinatawan ng rehiyon, at iba’t ibang LGU.
Ang pagkilalang ito ay inaasahang magsisilbing inspirasyon sa iba pang mga bayan at lungsod na paigtingin ang kanilang mga hakbang patungo sa inklusibo at pantay na kaunlaran para sa lahat.