Dagupan City – Nakikitang daan ang pagpalit ni Senator Ping Lacson bilang Senate President Pro Tempore sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni Atty. Michael Henry Yusingco, Constitutional Law Expert and Political Analyst sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya, maaaring magsilbing pagkakataon kasi ito upang masuri nang mabuti ang mga insertions na siyang nagiging dahilan ng pagpasok ng source of funds sa mga flood control projects.
Kilala rin kasi aniya si Lacson sa malawak nitong karanasan sa Senado, partikular sa mga usapin tungkol sa budget at oversight.
Aniya, ang pagkakaluklok niya ay inaasahang magbibigay-linaw sa mga kontrobersiyang nakapalibot sa pondo ng flood control projects.
Ang mga insertions naman ay karaniwang nagdudulot ng pagdududa dahil ito ang paraan kung saan may mga dagdag na pondo na maaaring pumasok nang hindi malinaw ang pinanggalingan at proseso.
Dahil dito, inaasahan ani Yusingco na ito ang magiging sukatan ng katigasan ng bagong senate president na si Vicente Sotto III sa pagpapanatili ng transparency at integridad.