Isinusulong ang Konektadong Pilipino Bill bilang tugon sa matagal nang suliranin ng bansa sa internet connectivity, lalo na sa mga liblib na lugar.
Ayon kay Tzar Umang, Cyber security expert, malaki ang maitutulong ng panukalang batas sa pagpapalawak ng kompetisyon at pagpapabuti ng serbisyo sa sektor ng telekomunikasyon.
Isa sa pangunahing layunin ng panukala ay alisin ang pangangailangan para sa legislative franchise ng mga bagong internet service providers (ISPs).
Dahil sa mga dating mabibigat na requirement, maraming maliliit na kumpanya ang hindi nakakapasok sa merkado.
Ito rin ang dahilan kung bakit nananatiling limitado ang pagpipilian ng mga konsyumer at hindi pantay ang kalidad ng internet sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Naniniwala si Umang na sa pagbubukas ng merkado para sa mas maraming providers, magkakaroon ng mas magandang kompetisyon, mas abot-kayang presyo, at mas maayos na serbisyo para sa mga Pilipino.
Subalit kahit na mas magiging bukas ang merkado, iginiit niyang kailangang manatili ang regulasyon mula sa gobyerno upang masiguro ang kalidad at seguridad ng serbisyo.
Samantala, positibo rin ang pananaw ni Umang sa mga hakbang ng pamahalaan laban sa cybercrime.
Kaugnay nito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng publikong edukasyon tungkol sa cybercrime dahil ito ay responsibilidad parin ng lahat.
Bagama’t umangat na umano ang average internet speed sa bansa sa mga nakaraang taon, nananatili pa ring isang hamon ang pagpapanatili at pagpapabuti ng koneksyon, lalo na sa mga malalayong lugar.
Aniya, hindi naman ganun kahirap kung paano mag-filter o mag-block ng content, kayat mahalaga na alam ng bawat isa ang tamang paggamit.