Dagupan City – Muling inilunsad ng Department of Health (DOH) Region 1 ang school-based immunization program bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan na maprotektahan ang mga estudyante laban sa mga nakahahawang sakit.
Ayon kay John Paul Aquino, Nurse V ng DOH Region 1, mahalaga ang pagbabakuna sa mga mag-aaral dahil sila ay nasa “critical age” o yugto ng kanilang paglaki na mas madaling kapitan ng iba’t ibang sakit.
Kabilang sa mga ibinibigay na bakuna ay ang HTV vaccine para sa mga 9–14 years old na estudyante.
Ayon kay Aquino, ang pagbibigay nito sa edad na ito ay kritikal upang maihanda ang katawan ng kabataan sa kanilang pagdadalaga o pagbibinata.
Kasama rin sa kampanya ang mga guro na katuwang ng DOH sa pagpapaliwanag ng layunin ng programa sa mga magulang at estudyante.
Tiniyak din ng ahensya na may pahintulot ng magulang bago isagawa ang pagbabakuna.
Isa rin sa mga aktibidad ng programa ay ang advocacy activity na isinasagawa sa mga paaralan upang maipaliwanag ang kahalagahan ng pagbabakuna bilang proteksyon hindi lamang sa sarili kundi pati na rin sa komunidad.
Sa ilalim ng programang Bakuna Eskwela 2025, layunin ng DOH na mas mapalawak pa ang saklaw ng immunisasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa pagbabalik nila sa kanilang mga silid-aralan.