Dagupan City – Tinitiyak ng Pamunuan ng Barangay Caranglaan sa Dagupan City na ang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa Flood Control Protection sa gilid ng ilog ng barangay ay matibay at maayos.

Ang proyekto, na pinondohan ng ahensya sa halagang Php 48,265,000.

Ayon kay Brgy. Captain Gregorio Claveria Jr., ay natapos na bago pa siya maupo sa pwesto noong 2023 kung saan itinayo aniya ito noong 2020.

--Ads--

Sa pagmomonitor ni Kapitan Claveria, napansin niyang natapos na ang buong sakop ng Caranglaan malapit sa Sinucalan River.

Ang dike ay may taas na 6 hanggang 7 metro at may flood gate na maaaring buksan at isara kung kailangan.

Sakop ng dike ang ilang sitio gaya ng Bayanihan at ilang bahagi ng Hidalgo.

May mga lugar na protektado, ngunit mayroon din namang apektado pa rin ng pagbaha kapag umapaw ang ilog kasabay ng malakas na ulan.

Saad pa nito na malaki ang naitulong ng proyekto sa pagprotekta sa barangay laban sa pagtaas ng ilog at sa lakas ng agos nito.

Samantala, aminado ang mga residente na may positibo at negatibong epekto ang pagkakaroon ng dike.

Ayon kay Luzviminda Caramat, residente ng Sitio Bayanihan, nasaksihan niya ang pagtatayo at konstruksyon ng dike dahil malapit ito sa kanyang bahay.

Aniya na siya ang naging responsable sa pagbukas-sara ng flood gate kapag may utos ang kapitan o kapag nasa red alert ang tubig sa ilog.

Ibinahagi niya na noong wala pang dike, maluwang ang ilog at hindi umaabot ang tubig sa kanilang bahay ngunit, problema naman ang landslide na kumukuha ng lupa dahil sa ragasa ng tubig.

Dagdag pa niya, mas tumaas ang tubig sa kanilang lugar na dati ay kalahati ng binti lamang, ngunit ngayon ay lampas tuhod na pero dulot lamang ito ng tuloy-tuloy na ulan.

Gayunpaman, pagmamalaki naman nito na mas ligtas naman sila sa malakas na agos ng tubig malapit dito.