Kailangan ng malalim, seryoso, at walang kinikilingang imbestigasyon sa kontrobersyal na ghost flood control projects sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco – Political analyst bagama’t mahalaga ang pagkakaroon ng imbestigasyon, hindi dapat agad-agad papurihan ang mga mambabatas na tila naghuhugas-kamay, dahil marami sa mga ito mismo ang maaaring bahagi ng anomalya.
Aniya hindi lang mga kontraktor ang dapat silipin dahil marami sa mga mambabatas ang kasali sa sindikatong ito lalo na at hindi kakayanin ng mga kontraktor lamang ito.
Bagkus tila may koneksyon ito sa ilang mambabatas, opisyal sa DPWH at mga Local Government Units.
Tinawag pa niya ang naturang operasyon bilang isang “well-organized crime operation” na nangangailangan ng masinsinang pagbusisi, hindi lamang ng Kongreso kundi pati ng mga independent institutions.
Binigyang-diin ni Yusingco na dapat lahat ay isailalim sa imbestigasyon direkta man silang sangkot o posibleng nakinabang sa proyekto.
Dagdag pa niya, dapat tiyakin ng publiko na ang imbestigasyon ay hindi lang para sa “optics” o pampakitang tao, kundi talagang maghahatid ng hustisya.
Bagama’t hindi maaaring asahan ang mga mambabatas mismo para magsagawa ng malinis at tapat na imbestigasyon, lalo na kung marami sa kanila ay posibleng sangkot.
Kaya’t hinikayat din niya ang Ombudsman na gampanan ang tungkulin nito na maglabas ng ebidensya, magsampa ng kaso, at siguruhing may managot.