Inatasan ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagpapalabas ng subpoena laban sa mga pribadong kontraktor na hindi dumalo sa unang public hearing kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga proyektong flood control sa bansa.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng mosyon ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na pilitin ang mga kontraktor na hindi dumalo sa susunod na pagdinig.

Agad namang inaprubahan ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Senador Rodante Marcoleta ang mosyon, dahil walang sinuman sa mga senador ang tumutol.

--Ads--

Ayon kay Atty. Rodolfo Noel Quimbo, Director General ng Senate Blue Ribbon Oversight Office Management, labing-limang (15) kontraktor ang naimbitahan sa pagdinig.

Ngunit labing-isa (11) lamang ang nagbigay tugon at pito (7) sa mga ito ang may kinatawan sa isinasagawang hearing.

Patuloy na iniimbestigahan ng Senado ang mga umano’y anomalya at kahina-hinalang pag-gamit ng pondo sa mga proyekto para flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Inaasahang ipalalabas ang mga subpoena bago ang susunod na pagdinig upang matiyak ang ganap na partisipasyon ng mga kontraktor sa imbestigasyon.