Nalulungkot at nagluluksa pa rin hanggang ngayon ang malalapit na kaibigan at mahal sa buhay ng namayapang Tawainese actress na si Barbie Hsu bagamat ilang buwan na ang nakalipas nang pumanaw ito.

Matatandan na noong August 13, 2025, nag-trending online ang mga larawan ni Jerry Yan nang dumalaw siya sa puntod ni Barbie sa Jinbaoshan Cemetery sa Taiwan.

Kilala namang malapit na magkaibigan ang dalawa mula pa nang magsama at maging magkapareha sa phenomenal hit drama series na Meteor Garden noong 2001, kunsaan si Jerry ay gumanap bilang si Daoming Si, habang si Barbie naman bilang Shancai.

--Ads--

Ayon sa ulat, unang dumating si Jerry sa puntod ni Barbie na mag-isa.

At makalipas lamang ang ilang minuto ay sumunod na dumating sina Taiwanese actress-host Janet Chia at asawa nitong si Wang Chao Chieh.

Isang source umano ng Taiwan’s Next Apple News ang nakasaksi ng pagiging emosyunal ni Jerry sa harapan mismo ng puntod ng dati niyang love team partner.

Agad naman siyang dinamayan ni Janet. Sa mga picture online, makikita ang pagpapatahan ni Janet sa umiiyak noong si Jerry nang haplusin niya ang balikat ng aktor habang sinasabing, “Shancai, Daoming Si came to see you.”

Ito ang unang beses na dumalaw si Jerry sa puntod ni Barbie makaraang sumakabilang buhay ang actress noong February 2, 2025, dahil sa influenza-induced pneumonia habang nagbabakasyon sa Japan.