Dagupan City – Nagpahayag ng kanilang paniniwala ang ilang kapitan sa bayan ng Mangaldan na lalagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sana ngayong taon.
Ayon kina Kapitan Marissa Honsayco ng Barangay Anolid at Kapitan Alex Razo ng Barangay Guilig, dapat ipagpaliban ang halalan dahil higit sa dalawang taon pa lamang ang kanilang panunungkulan.
Sa pamamagitan ng pagpapaliban, madadagdagan pa ng isang taon ang kanilang panunungkulan kaya mas mapagtutuunan pa nila ng pansin ang mga proyekto at programa sa kanilang barangay.
Dagdag pa nila, ang pagpapaliban ay magbibigay daan sa mas mahusay na pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto na makakatulong sa kanilang mga nasasakupan at paghahanda para sa halalan.
Samantala, sakali mang matuloy ang halalan ngayong taon, muling tatakbo sina Kapitan Honsayco at Kapitan Razo para sa kanilang pangalawang termino upang maituloy ang kanilang mga nasimulan, lalo na kung gusto pa rin sila ng kanilang mga kabarangay.
Sa ngayon, kasalukuyan pang hinihintay ang pinal na desisyon ng pangulo hinggil sa panukalang batas.
Marami ang nag-aabang kung ano ang magiging resulta nito, lalo na ang mga opisyal ng barangay, mga kabataan , at mga opisyal ng COMELEC na naghahanda para sa nasabing halalan.