Mga kabombo! Mahilig ka rin ba sa kape?
Gaano karami o anong klaseng creamer ba ang nilalagay mo?
Kakaiba kasi ang trip na kape sa northern region ng Sweden, dahil imbis na creamer, keso ang inihahalo nila sa mainit na kape?
Tila weird ang atake ng kape na ito sa nasabing bansa. Ang kape ay tinawag na “kaffeost,” isang tradisyunal na inumin kung saan nilalagay ang pinirasong “Leipäjuusto” o gatas ng reindeer sa mainit na tasa ng kape.
Pagsasalarawan ng mga nakatikim nito, malambot, manamis-namis, at may spongy texture ang kape.
Dahil sa texture nito, mabilis nitong naa-absorb ang kape matapos lamang ng ilang minutong pagbabad.
Dahil dito, nagiging creamier, pero may natatanging tamis at alat mula sa keso.
Ayon sa pag-aaral, malalim ang pinagmulan ng kaffeost sa kultura ng mga Sami, ang mga reindeer herder sa hilagang Sweden at Finland.
Lumalabas naman na natuklasan ang kakaibang kombinasyong ito para solusyonan ang kakulangan ng sodium sa kanilang katawan.
Base kasi sa mga eksperto, nakakapagbigay din ito ng dagdag na init at lakas.
Sa ngayon, sumisikat na ang kaffeost sa mga coffee shop sa mga siyudad ng Sweden at maging sa ibang bahagi ng Scandinavia.
May mga modernong bersiyon na rin ito gamit ang keso mula sa baka o kambing, bukod sa tradisyunal na keso ng reindeer.