Nasa dalawang tripulante ang sugatan at dalawa naman ang nawawala matapos atakihin ng mga sea drones at armadong grupo ang barkong Eternity C malapit sa Yemen nitong Lunes.

Batay sa imbestigasyon ang barko ay may watawat ng Liberia at pinamamahalaan ng Greek company na Cosmoship Management.

Sakay nito ang 22 tripulante kung saan 21 dito ay Pilipino at 1 Russian.

--Ads--

Ayon sa kumpanya, tinamaan ng mga drones ang tulay ng barko at naapektuhan ang communication system nito.

Dahil sa pinsalang tinamo at pagpasok ng tubig sa barko, napilitang lumikas ang 19 natitirang crew members. Nasagip sila ng isang dumaang barko at ligtas na nakarating sa Djibouti sa East Africa.

Nilinaw naman ng awtoridad na ang 19 na Pilipinong tripulante ay nasa maayos na kalagayan habang patuloy pa rin ang paghahanap sa dalawang nawawalang crew.

Nabatid na ang insidente ay nangyari ilang oras matapos ang umano’y pag-atake rin ng Iran-aligned Houthi militants sa isa pang barko sa Red Sea, na sinasabing lumubog—bagama’t hindi pa ito kumpirmado.