Isang world-class na kompetisyon sa pole vault ang nakatakdang ganapin sa Pilipinas ngayong Setyembre, ayon sa anunsyo ng Filipinong Olympian na si EJ Obiena nitong Lunes.
Ang Atletang Ayala World Pole Vault Challenge ay isasagawa sa Ayala Triangle Gardens sa Makati mula Setyembre 20 hanggang 21.
Ang nasabing kompetisyon ay opisyal na kinikilala ng World Athletics, kaya inaasahang dadalo rito ang ilan sa pinakamahuhusay na pole vaulters sa mundo.
Gaganapin naman ang event matapos ang World Athletics Championships sa Tokyo, na nakatakda mula Setyembre 13 hanggang 21.
Si Obiena, na kasalukuyang World No. 4 sa pole vault rankings, ay matagal nang nangangarap na dalhin ang isang world-class pole vault event sa sariling bayan.
Noong nakaraang taon, nakatakda sanang idaos ni Obiena ang nasabing kompetisyon sa parehong petsa at lugar, ngunit ito’y nakansela matapos siyang maglabas ng balita tungkol sa pagkabali ng kanyang L5 vertebra.
Dahil dito, kinailangan niyang kanselahin ang buong season at ang event mismo.
Ngayong taon, tila matutupad na ang matagal nang pangarap ni Obiena at inaasahang makikipaglaban din siya sa harap ng sariling kababayan.
Aminado naman ito na may kaunting pressure siyang nararamdaman na magpakitang-gilas, ngunit higit sa lahat ay sabik siyang maglaro sa harap ng mga kapwa Pilipino.
Dahil opisyal itong kinikilala ng World Athletics, makakakuha rin ng ranking points ang mga lalahok na atleta.