Dagupan City – Muling nanawagan ang lokal na pamahalaan ng Mangaldan sa kanilang mga residente hinggil sa tamang pag-aalaga ng mga alagang hayop, partikular na ang mga aso at pusa.
Layon ng paalalang ito na mapigilan ang patuloy na banta ng rabies sa komunidad at maiwasan ang anumang insidente ng pagkakagat o pagkamatay dahil dito.
Ayon sa Municipal Agriculture Office, bahagi ng kanilang kampanya ay ang mas pinaigting na information drive, libreng pagbabakuna, at pagsusuri sa mga hayop upang matiyak na protektado ang mga ito laban sa sakit.
Kasabay nito, hinihikayat din ang mga pet owner na huwag hayaang gala ang kanilang mga alaga at siguraduhing nakakulong o nasa maayos na kulungan ang mga ito sa loob ng bahay.
Kabilang sa mga ipinatutupad na ordinansa sa bayan ang pagkakaroon ng maayos na talaan ng mga alagang hayop, pagbabakuna tuwing isang taon, at pagpaparehistro ng mga ito sa barangay.
Ayon sa LGU, hindi lang ito usapin ng kalusugan kundi ng kaligtasan ng buong komunidad.
Nagpaalala rin ang mga awtoridad na may kaakibat na parusa ang sinumang mapapatunayang nagpapabaya sa kanilang mga alaga, lalo na kung ito’y magdulot ng pinsala o panganib sa iba.
Naniniwala ang lokal na pamahalaan na sa tulong ng sama-samang pagkilos, maiiwasan ang pagtaas ng kaso ng rabies at mapapanatiling ligtas ang bawat pamilya sa Mangaldan.
Sa ngayon, patuloy ang monitoring at pagbabakuna sa iba’t ibang barangay, at nananawagan ang LGU sa aktibong pakikiisa ng publiko upang tuluyang masugpo ang rabies sa bayan.