Isang payloader ang sumampa sa bubungan ng isang bahay sa Sitio Roosevelt, Barangay Busay sa Cebu City matapos umanong mawalan ng preno habang bumababa mula sa isang kilalang tourist spot sa lungsod.
Ayon sa ulat, bigla na lamang nayanig ang bahay ng pamilyang Magno at nabasag ang salamin ng kanilang bintana.
Laking gulat nila nang makita ang dambuhalang payloader na nakasampa sa bubong ng kanilang tirahan.
Sa pahayag ni Dr. Joy Magno, nagkaroon ng bitak sa pader ng kanilang dalawang-palapag na bahay, dahilan upang mangamba sila sa kaligtasan at katatagan ng estruktura.
Tinamaan din ang kuwarto ng kanyang anak, na sa kabutihang-palad ay hindi nasaktan.
Gamit ang dalawang backhoe, naalis mula sa bubungan ang payloader kinabukasan ng umaga.
Bukod sa bahay ng mga Magno, napinsala rin ang isang tindahan na malapit sa lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon, ginagamit ang payloader sa ginagawang pagsasaayos ng tourist spot sa naturang lugar.
Habang nagmamaniobra pababa ang driver, nawalan umano ng kontrol sa preno ang sasakyan.
Tumangging magbigay ng pahayag ang driver ng payloader habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Traffic Enforcement Unit (TEU).