DAGUPAN CITY- Wala umanong katotohanan at itinatanggi ni US President Donald Trump ang di umano’y potential nuclear deal ng kanilang bansa sa Iran.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa USA, sinusubukan lamang ng Estados Unidos na magkaroon ng negosasyon na magpapaigting pa ng ceasefire at maghaharang sa Iran na bumuo ng pasilidad ng nuklear.
Gayunpaman, pinabulaanan ni Trump na walang negosasyong naganap na popondohan ng kanilang bansa ang pagtayo ng Iran ng civilian site para sa nuclear facility.
Ito ay dahil sa inilabas na pahayag ng lider ng Iran na naipanalo umano nila ang giyera laban sa Israel at makakatanggap sila ng suportang pinansyal mula US para sa nasabing pasilidad.
Nakikita kase aniya ni Trump na ang muling pagkakaroon ng nuclear facility ng Iran ay makakaapekto sa ekonomiya ng Estados Unidos, maging na rin ang kapayapaan.
Umaasa naman si Pascual na patuloy babantayan ng mundo ang Iran dahil isa ito sa mga bansang pinagmumulan ng terorista.