Umaarangkada sa bayan ng Asingan ang pinagmamalaking kauna-unahang Solar-Powered Computer Truck dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Inilunsad ito sa bayan bago magsimula ang pasukan upang makasabay sa unang araw ng klase.
Pinapagana ito gamit ang solar energy na mayroong 14 na computer unit, libreng WIFI at Air-conditioned kung saan ito ay bibisita sa 21 barangay upang maghatid ng libreng computer education sa mga estudyante at ilang sektor sa bayan.
Ituturo dito ay tungkol sa Computer Theory, mga basic computer application skills gaya ng Microsoft Office, PowerPoint at Excel.
Ayon kay Mayor Carlos Lopez Jr. na inilunsad ang inisyatibong ito para mapuntahan ang mga paaralan sa bayan na maghatid ng serbisyo sa mga kabataan sa mabilisang paraan dahil nilagay ito sa isang sasakyan na maaring lumipat.
Layunin kasi ng programa na mabigyan ng kaalaman ang bawat kabataan sa kanilang edad na maging maalam sa paggamit ng computer dahil sa pagiging digital age na ngayon sapagkat maari nila itong magamit sa hinaharap.
Samantala, isa sa mga pinuntahan ng nasabing truck ay ang Carosucan Norte National High School na pinangangasiwaan ni Roberto Resuello Jr. ang Principal IV dito.
Aniya na malaking tulong ito sa mga estudyante lalo na sa Grade 7 at Grade 8 upang hindi lang sila marunong sa paggamit ng kanilang mga selpon kundi pati na rin sa kompyuter.
Saad pa nito na mayroon naman silang Computer Class ngunit hindi masyado hands on dahil puro lecture lamang sila pero ngayon ay mismong masusubukan na ng mga bata ang paggamit ng kompyuter.
Bagama’t may 46 na silang laptop na binigay ng DepEd sa nakalipas na 2 taon ay kulang parin ito upang matutukan ang bilang ng kanilang mga mag-aaral
Samantala, dahil sa programang nakarating sa kanilang paaralan ay nagpasalamat ito sa alkalde dahil hindi niya kinakalimutan ang mga kabataan lalo na sa sektor ng edukasyon sa kanilang nasasakupan.