DAGUPAN CITY- ‎Lalong sumirit ang presyo ng mga gulay sa Mangaldan Public Market kasunod ng patuloy na kakulangan sa suplay bunsod ng epekto ng pabago-bagong panahon at limitadong ani mula sa mga sakahan.

Sa kasalukuyan, tumaas ng hanggang 20 hanggang 50 porsyento ang presyo ng mga pangunahing gulay gaya ng repolyo, talong, ampalaya, at sitaw.

Mula sa dating ₱60 kada kilo, umabot na sa halos ₱100 ang ilang klase ng gulay.

Ayon sa mga nagtitinda, hirap na silang makakuha ng sapat na dami mula sa kanilang mga suki sa mga lalawigan, lalo na’t naapektuhan ng tagtuyot at pabugso-bugsong ulan ang ani ng mga magsasaka.

Dagdag pa rito, limitado rin ang biyahe ng mga nagdadala ng produkto mula sa ibang bayan at probinsya kaya’t lalong bumaba ang dami ng suplay na dumarating sa palengke.

--Ads--

Paliwanag ng mga vendor, kahit mataas ang presyo, wala rin silang magawa kundi ipatong ito sa bentahan upang mabawi ang puhunan.

Samantala, umaaray na rin ang mga mamimili lalo na’t madalas na gulay ang inaasahan nilang sangkap sa araw-araw na ulam.

Dahil dito, napipilitan ang ilan na magbawas ng bibilhing gulay o lumipat sa mas mura ngunit limitadong alternatibo.

Inaasahan naman ng mga tindero at magsasaka na unti-unti nang babalik sa normal ang presyo sa mga susunod na linggo oras na magsimula na ang anihan at gumanda ang lagay ng panahon.

Patuloy naman ang paalala ng lokal na pamahalaan sa publiko na maging maingat sa pagbili at tiyaking sariwa ang mga nabibiling produkto sa gitna ng pagtaas ng presyo.