Pinaigting ang pagbabantay ng Public Order and Safety Office sa mga kakalsadahan sa lungsod ng Dagupan kasabay ng pagtaas ng tubig dulot ng High Tide.

Matatandaan na kahapon ay nagkaroon ng mataas na tubig sa ilang bahagi ng lungsod na umabot sa 1.3 meters habang ngayong araw naman ay inaasahan aakyat din sa mahigit 1 metro.

Ayon kay Rexon De Vera ang OIC ng nasabing opisina na kapag ganito ang kalagayan ng lungsod ay hindi maiwasan ang pagkakaroon ng pagbigat ng daloy ng trapiko.

--Ads--

Kaya naman mas tinututukan nila ang mga lugar na may mataas na tubig dahil kasabay ng pagdaan ng mga sasakyan sa mga kakalsadahan sa lungsod ay ang pagpasok sa eskwelahan ng mga mag-aaral.

Aniya na nasa 80% na kasi sa mga paaralan sa Dagupan ang nagbukas kaya aasahang madami na ang mga estudyanteng nakakalat sa kalsada.

Isa sa mga lubhang apektado sa pagtaas ng tubig ay ang bahagi ng burgos st. na siyang itinuturing na mababang parte na sa lungsod dahil ang ilang mga daanan ay napataasan na at ang iba nagpapatuloy ang mga konstruksyon.

Dahil dito, mas madaming idenedeploy na mga tauhan ng POSO sa mga lugar na may tubig baha para matutukan ang daloy ng trapiko.

Samantala, inaasahan naman ang pagkakaroon ng budget mula sa gobyerno sa parte ng Burgos St. upang mapataasan ito at hindi na maging problema kapag may high tide.

Sa kabilang banda nakaranas ang ilang mga kabahayan sa bahagi ng Sitio Bagong Barrio at Sabangan sa Bonuan Gueset ng pagbaha dahil sa naranasang high tide at tag-ulan.

Ayon kay Ronald Cayabyab, isa sa mga residente ng barangay, umaabot hanggang binti ang tubig baha tuwing high tide, na siyang nagpapahirap sa pagpasok ng mga bata sa paaralan. Aniya ay nakakatakot at magkasakit ang mga bata, tulad ng dengue o leptospirosis.

Bagama’t mabilis bumababa ang tubig kapag low tide, nananatiling banta ito sa kalusugan at kaligtasan ng mga residente.

Ayon naman kay Brgy. Captain Manuel “Noel” B. Bumanglag na halos 300 kabahayan ang naaapektuhan ng taun-taong pagbaha.

Kapag high tide lalo na kung may bagyo o kalamidad ay tumataas talaga ang tubig.

Bilang paghahanda, may nakalaang gamit at mga gamot ang barangay para sa mga apektado.

Bukas rin umano ang barangay hall sa mga nangangailangan ng tulong.

Nanawagan naman ito sa mga residente na mag-ingat, magsuot ng bota, at agad lumapit sa kanilang tanggapan kung may kinakailangang tulong.

Sa ngayon ay wala pa namang naitatala na nagkakasakit sa kanilang barangay.

Samantala ayon sa monitoring at abiso ng Public Alert Response and Monitoring Center Dagupan at Dagupan City Disaster Risk Reduction & Management Council sa mararanasang high tide ngayong araw ng Miyerkules na mayroong 4.53 talampakan o nasa 1.38 M ang peak ng high tide kaninang 9:15 am at mararanasan naman ang low tide nito mamayang 6:31 Pm sa lebel na -0.3FT/-0.09M.