Dagupan City – Pormal nang nanumpa sa kanilang katungkulan ang mga nanalong opisyal sa kakatapos na halalan sa kanilang mga posisyon sa lungsod ng Urdaneta kahapon Hunyo 22.

Ginanap ang seremonya sa Urdaneta City Cultural ang Sports Complex na dinaluhan ng mga opisyal ng pamahalaang lungsod, mga empleyado, mga pamilya at kaibigan ng mga opisyal.

Kasama sa mga nanumpa sina Mayor Julio “Rammy” Parayno III para sa kanyang Ikatlong teemino; Vice Mayor-Elect Jimmy “Jing” Parayno at ang mga konsehal na sina Jennifer Gandia, Onofre Gorospe, Franklin Villanueva, Jhun Hero Sumera, Tet Perez Naguiat, Rio Virgilio Esteves, Aurelio Agsalud Sr., Dr. Blesildo Sumera, Warren Andrada at Alfonso Miguel Del Prado,

--Ads--

Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Mayor-Elect Rammy Parayno ang kanyang lubos na pasasalamat sa mga tumulong sa kanyang kampanya sa nakalipas na halalan na masasabi nitong napakahirap dahil sa mga pinagdaanan nito lalo na sa kanyang pagkakasuspende.

Pangako nito na paglilingkuran muli at mas palalaguin pa ang lungsod ng Urdaneta nang may katapatan at integridad.

Mas papaunlarin pa nito ang pamumuhay ng bawat mamamayan sa lungsod at mas iaangat ang lungsod sa buong probinsya ng Pangasinan.

Binigyang pugay naman nito sina dating Mayor Amadeo P. Perez Jr. At nang kanyang Ama na si Julio E. Parayno Sr. na dating bise alkalde bilang kanyang mga naging idolo at inspirasyon sa kanyang panunungkulan.

Malaki ang naging ambag ng mga ito sa buhay pulitika ng alkalde lalo na sa maayos na pamamalakad sa lungsod sa nakalipas na kanyang mga termino.

Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga nahalal na konsehal sa tiwalang ipinagkaloob sa kanila ng mga botante.

Nangako rin sila na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang matulungang mapaunlad ang Urdaneta City

Inaasahan na magdadala muli ng positibong pagbabago at maayos na programa ang mga opisyal na may pagkakaisa sa hangarin at tungkulin para sa lungsod ngayong 2025 hanggang 2028.