DAGUPAN CITY- Natulungan ng Dagupan Autism Society Incorporated (DASI) ang kanilang mga estudyente o mga indibidwal na mayroong autism at maipakita at maiparamdam ang kanilang kakayahan, talento at sariling emosyon.
Kabilang na lamang sa kanilang mga isinagawang aktibidad ng kanilang opisina ngayon araw ay ang painting at tree planting activity.
Ayon kay Elaine Estrada, Presidente ng DASI, na nasa 40 na mga estudyante ang nakaenrol sa kanila at ang pinakabata ay nasa edad 3 taon habang 29 naman ang pinaka matanda.
Ang bawat likha ng mga estudyante ay ididisensyo para sa produktong tote bag, mug at pouch para ibenta at mapupunta sa iba’t ibang mga aktibidad ang naipon dito.
Nilalayon din ng kanilang society na mapataas ang kamalayan ng publiko ukol sa kanilang sitwasyon upang matulungan sa kanilang mga pangangailangan at gayundin na maiwasan ang mga pang-aabuso, diskriminasyon at pambubully na nararanasan ng kanilang kumunidad.
Samantala, ibinahagi naman ng ilang mga magulang ng naturang grupo, katulad na lamang ni Noel Magalong at Nebi Pasig, ang pangangalaga na kanilang ginawa para sa kanilang mga anak na may autism.
Kung saan, anila, mahirap man mag-asikaso ng mga bata na may naturang kalagayan subalit, bilang isang magulang ay binibigyan nila ito ng karagdagang pagbabantay at pag-intindi.
Tinatatag din nila bilang magulang dahil maliban sa kalagayan ng kanilang anak ay nakakaranas din ang mga ito ng diskriminasyon at pambubully mula sa ibang mga tao.
Kaugnay nito, nanawagan naman si DASI Sped Teacher Billy Rose Erika Jimenez sa gobyerno at sa publiko na mabigyan pansin at awareness ang mga tao na may naturang kalagayan.
At sa maaayos na pagpapakilala sa publiko ng ganitong kalagayan ay mawawakasan ang mga hindi kaaya-ayang trato sa mga may kalagayan sa pag-iisip.