Inihayag ng lalawigan ng Tarlac ang opisyal na pagdedeklara nito bilang “zero-case status” sa Mpox matapos gumaling ang nag-iisang kumpirmadong kaso mula sa Tarlac City.
Ayon sa Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), tuluyan nang nakarekober ang pasyente matapos ang maingat na pangangalaga at pagsunod sa mga pamantayan sa paggamot kung saan nakikita na nilang wala nang aktibong kaso ng Mpox sa buong probinsya.
Pinatunayan ng mabilis at epektibong tugon ng pamahalaan ang kahandaan nito sa pagprotekta sa kalusugan ng mga mamamayan.
Gayunpaman, nananatili ang pagiging alerto ng nasabing Unit at patuloy ang ginagawang paghahanda sa anumang posibleng pagsulpot muli ng karagdagang kaso.
Nanawagan naman sila sa publiko na maging maalam sa pagkalat ng virus na ito, mga sintomas, at mga dapat gawin kung sakaling magkaroon ng impeksyon upang maiwasan ang paglala at pagkalat ng sakit.